Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 533 kaso ng dengue sa National Capital Region mula May 22 hanggang June 4, 2022.
Ito ay 16% na mas mataas kumpara sa 458 dengue cases na naitala noong nakalipas na dalawang linggo.
Sa nasabing bilang, 13 na ang nasawi sa National Capital Region (NCR) dahil sa sakit kung saan apat dito ay namatay noong Pebrero, tig-dalawa noong Marso at Abril, tatlo noong Mayo at dalawa rin nitong Hunyo.
Sa kabuuan, mula January 1 hanggang June 18, 2022, aabot na sa 3,975 ang dengue cases sa rehiyon na 1% na mas mataas sa 3,945 cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Pinakamarami ay naitala sa Quezon City na may 729 cases; sinundan ng Caloocan City, 502; Maynila, 501; Taguig, 472; at Valenzuela, 444.
Samantala, mula January 1 hanggang June 18, umakyat na sa 51,622 ang dengue cases sa buong bansa na 58% na mas mataas kumpara sa naitalang 32,610 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Una nang sinabi ng Philippine Medical Association na nakaalarma ang bilang ngayon ng kaso ng dengue sa Pilipinas.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ng DOH ang publiko na sumunod sa ‘4S strategy’ kontra dengue: (1) Search and destroy; (2) Secure self-protection; (3) Seek early consultation at; (4) Support fogging or spraying sa mga hotspot areas.