Kinumpirma ng Department of Health (DOH), ang na-detect ng UP-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng UP-National Institutes of Health (UP-NIH) na 6 na kaso ng B.1.351 variant o South Africa variant sa bansa.
Bukod dito, nakapagtala rin ang DOH ng 30 na bagong kaso ng B.1.1.7 variant o UK variant.
Dalawa ring kaso ng hindi pa matukoy na variant ang naitala ng DOH.
Tatlo sa kaso ng South African variant ay local cases, habang ang 2 ay returning Overseas Filipinos (ROFs), at ang isa ay hindi pa matukoy ang lokasyon.
Tatlo sa local cases ng South African variant ay mga residente ng Pasay City, at kinolekta ang samples mula sa mga ito sa pagitan ng January 27 at February 13, 2021.
Kabilang sa mga nagpositibo sa South African variant ang isang 61-year-old na babae at isang 39-year-old na lalaki.
Sila ay patuloy pang nagpapagaling sa Pasay City habang ang ikatlong residente ng Pasay na may South African variant ay 40-year-old na lalaki na gumaling na sa sakit.
Ang mga bagong kaso ng iba’t ibang variants ay ang ikawalong batch mula sa 350 samples na isinailalim sa genome sequencing ng Philippine Genome Center.
Ang dalawa namang ROFs na nagpositibo sa South African variant ay dumating sa bansa mula sa UAE at Qatar; habang hindi pa matukoy kung may travel history ang ikaanim na kaso.
Nilinaw naman ng DOH na wala pang pag aaral na mas delikado ang mga bagong natukoy na variants bagamat mas madali itong makahawa.
Kinumpirma naman ng DOH na 87 na ang kabuuang kaso ng UK variant sa bansa.
Dalawampu naman sa mga bagong UK variant ay dumating sa bansa mula sa Middle East, Singapore, at United States of America sa pagitan mg January 20 at February 16, 2021.
Labing-tatlo sa kanila ay asymptomatic active cases, habang pito ang gumaling na.
Samantala may dalawa pang karagdagang kaso ng “mutation of interest” mula sa Region 7, o ang N-501-y at E484K mutation ang natukoy ng DOH.