DOH, nakapagtala ng unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19; higit 100 kaso ng Delta variant, naitala

Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH), University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) na nakapagtala na ang bansa ng unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19.

Ayon sa DOH, ang nasabing kaso ng Lambda variant ay mula sa isang 35-anyos na babae na kasalukuyang inaalam kung ito ba ay local o Returning Overseas Filipino (ROF).

Ang nasabing pasyente ay naitalang asymptomatic kung saan nakarekober na rin ito sa sakit matapos sumailalim sa 10 araw na isolation.


Nagsasagawa naman na ang DOH ng back tracing at kasalukuyan na rin iniimbestigahan ang nasabing kaso.

Nabatid na ang Lambda variant ay itinuturing na variant of interest ng World Health Organization (WHO) kung saan nagmula ito sa bansang Peru noong August 2020.

Samantala, naitala rin ngayon ng DOH ang karagdagang 182 na kaso ng Delta variant.

Sa nasabing bilang, 112 ang local cases, 36 ang Returning Overseas Filipinos at ang 34 na kaso ay kasalukuyan pang bineberipika.

Sa kabuuan, nasa 807 na ang naitatalang kaso ng Delta variant sa buong bansa kung saan 14 ang active cases, 771 ang nakarekober at 17 na ang nasawi.

Facebook Comments