Nakikiusap at pinapaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na dagdagan ang kanilang pang-unawa sa mga healthcare workers at maiging tumulong na rin para mapabuti pa ang mga protocols sa ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ang pakiusap ng DOH ay kasunod ng naglabasang video ng mga pagkakamali sa pagbabakuna ng mga health care workers kung saan hindi naiturok ng maayos ang bakuna sa isang indibidwal.
Sa pahayag ng DOH, kasalukuyan ng nagsasagawa ng imbestigasyon ang kanilang tauhan mula sa Centers for Health and Development (CHDs) hinggil sa nasabing insidente sa tulong ng Local Government Units (LGUs) kung saan nangyari ang pagbabakuna.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang CHD at LGU sa ilang indibdwal na sinasabing hindi nabakunahan at agad naman silang nabigyan ng bakuna.
Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy silang nagbabantay at tinitingnan ang mga report ng mga indibidwal na hindi nakakuha ng dose ng bakuna kontra COVID-19 nang maayos.
Nagsagawa naman ng re-orientation ang National COVID-19 Vaccine Operation Cluster hinggil sa COVID-19 vaccine administration protocols sa regional at local vaccination teams sa bansa.
Pinapaalalahanan naman ng DOH ang mga vaccinator palaging mag-ingat at ituon ang atensyon sa ginagawang pagbabakuna.
Iminungkahi rin ng DOH sa mga LGU na walong oras lang sana magsagasa ng pagbabakuna ang mga vaccinator upang maiwasan ang pagkapagod at maging maaayos ang serbisyo nito.
Bukod dito, magtalaga rin sana sila ng mga vaccinator aide na tutulong sa ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19.