Kasunod ng Phreatic Eruption ng Mt. Bulusan.
Namahagi ang Department of Health (DOH) ng 200,000 piraso ng N95 masks sa mga residente ng Sorsogon.
Sa ulat ni DOH Sec. Francisco Duque III sa TTTP ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), sinabi nitong N95 o N88 masks ang dapat na isuot ng ating mga kababayan sa Sorsogon at hindi ang ordinaryong mask lamang.
Paliwanag nito, layon nitong maprotektahan ang ating mga kababayan mula sa toxic effects ng ashfall na may kasamang carbon dioxide at fluorine na may dulot na peligro sa baga ng mga mamamayan doon.
Maliban dito, nag preposition narin ang DOH ng ₱17.1-M halaga ng health commodities tulad ng mga gamot at mga COVID-19 related supplies sa Provincial Health Office.
Patuloy din aniya ang pamamahagi ng Bicol Regional Office ng hygiene kits, potable water, at mga water container katulad ng mga jerry cans para sa mga kababayan natin sa mga evacuation center.
Nagpaalala rin ang ahensya sa ating mga kababayan na makinig sa mga anunsiyo ng ating lokal at national governments at manatili sa loob ng bahay at magsuot ng mask at iwasang lumabas kung hindi naman kinakailangan.
Sa pinakahuling datos ng DOH 2,784 na indibidwal ang naapektuhan ng pagsabog ng bulkan mula sa mga bayan ng Juban, Casiguran, Irosin, Sorsogon kung saan sa nasabing bilang mayroong 47 pamilya o 173 indibidwal ang nananatili sa Brgy. Tughan Evacuation Center, Juban.