DOH nananawagan sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak kontra polio at tigdas

Hinimok ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak konta tigdas, polio at rubllea o german measles para maiwasan ang outbreak nito sa susunod na taon.

Ayon kay DOH Health Promotion Bureau Director Dr. Beverly Ho, hindi nila nakikita ang pagtaas ng kaso ng mga polio at tigdas ngayon taon kahit pa kakaunti ang mga nabakunahan dahil na rin sa ipinapatupad na minimum health standards tulad na lamang ng paghuhugas ng kamay sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.

Pero mahalaga pa rin aniya na mapabakunahan ang mga bata upang maiwasan na magkaroon sila ng mga nasabing karamdaman.


Sinabi pa ni Ho na sisimulan ng DOH ang kanilang immunization drive sa October 26 hanggang November 25 sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera, MIMAROPA, Bicol Region, at sa Mindanao.

Bukod dito, ipagpapatuloy rin nila ang kampanya sa February 1 hanggang 28, 2021 sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Visayas.

Dagdag pa ni Ho, sisiguraduhin nilang masusunod ang inilatag na protocols laban sa COVID-19 habang ang mga health care workers ay mayroon mga ipapatupad na proseso kung saan kinakailangan magawa nila ang pagbibigay ng bakuna ng hindi lalagpas ng 15 minuto.

Maari namang makipag-ugnayan ang mga magulang sa local health authorities, health centers at sa hotline ng DOH sa numerong 8651-7800 para ma-schedule ang kanilang mga anak hinggil sa mga nabanggit na bakuna.

Facebook Comments