Ikinalulungkot ng Department of Health (DOH) na may ilang indibidwal ang nanamantala sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Ito’y matapos makarating sa kanila sa ulat na may tatlong indibdwal ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na ilegal na nagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Sa online media forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi nararapat ang mga ganitong uri ng ilegal na gawain lalo na’t ang mga bakuna kontra COVID-19 ay dapat na napapakinabangan ng ating mga kababayan.
Dahil dito, nananawagan si Vergeire sa publiko na huwag nang tangkilikin pa ang mga gumawa ng mga ilegal kung saan sa lokal na pamahalaan at sa gobyerno lamang dapat lumapit para makakuha ng nasabing bakuna nang libre.
Aniya, ang mga taong nasa likod ng pagbebenta ng mga COVID-19 vaccines ay wala naman daw ibang pinagkukunan ng suplay kundi sa gobyerno lang din.
Nanawagan din si Vergeire ng pagkakaisa sa publiko hinggil sa pangangalaga ng bakuna dahil isang dose lang na masayang sa ganitong uri ng ilegal na gawain ay napaka-importante na sa bawat Filipino.
Samantala, nagpapasalamat ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa naturang operasyon ng NBI lalo na’t dapat na managot ang isa sa mga naaarestong suspek na nurse sa isang district hospital sa lungsod.