DOH, nanawagan sa publiko na magpabakuna laban sa trangkaso na usong sakit ngayong tag-ulan

Nanawagan ang Department of Health (DOH) ng agarang pagbabakuna ng publiko laban sa flu o trangkaso.

Sa harap ito ng pagkalat na naman ng mga respiratory illness gaya ng trangkaso lalo na ngayong tag-ulan.

Paliwanag ni Dra. Anna Ong-Lim, infectious and tropical disease expert ng DOH, taon-taon naman talagang tumataas ang kaso ng trangkaso tuwing tag-ulan o tag-lamig.


Pero nitong pandemya, nabawasan ang hawaan ng trangkaso dahil sa ipinatupad na minimum public health protocols at mababang mobility.

Pero ngayong lumuluwag na ang restriksyon, sinabi ni Ong-Lim na mahalagang natututukan din ang iba pang mga vaccine preventable disease gaya ng pag-iingat natin na makaiwas sa COVID-19.

“Bumabalik na tayo sa ating normal na pagkilos. So, particularly for our senior citizen population and for our young children, dahil sila yung sinabing vulnerable sector ‘wag sana nating kalimutan yung pagbibigay ng proteksyon sa kanila,” ani Ong-Lim sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.

“Sa seniors, yung ating flu vaccines ay very critical lalo itong panahon ng tag-ulan at taglamig. And for our kids, sana wag din nating kalimutan yung kanilang routine immunization dapat mabuo nila para makabalik sa normal na kilos at hindi magkaroon ng risk ng hawaan,” dagdag niya.

Facebook Comments