Nanindigan ang Department of Health (DOH) na ang pagsusuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing ay epektibo para maiwasan ang transmission ng COVID-19.
Ito ang tugon ng kagawaran matapos ihayag ni Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles na hindi na kailangang sumunod sa health protocols dahil sapat na ang pagmamahal ng Diyos bilang proteksyon sa sakit.
Sa statement, sinabi ng DOH na ang minimum public health standards ay nakabase sa siyensya at suportado ng malawakang pananaliksik.
Nagpaalala ang DOH sa publiko na hangga’t nasa estado ng pandemya ang bansa, kailangang sundin ang minimum health standards para mapigilan ang pagkalat ng sakit at mapanatili ang progresong napagtagumpayan na.
Paalala rin ng DOH sa publiko na ang pagsunod sa mga patakaran laban sa COVID-19 ay bahagi ng social responsibility.