Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi kailangang magpatupad ng mandatory na pagsusuot ng face mask sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, patuloy pa rin naman ang ginagawang monitoring at epidemiology surveillance ng DOH kahit ilang buwan na mula nang alisin ng pamahalaan ang public health emergency dahil sa COVID-19.
Bagama’t aminado ang kalihim na may mga ospital nang nagbalik ng polisiya sa pagsusuot ng face mask gaya ng Philippine General Hospital (PGH) pero naniniwala aniya siyang paraan lang ito ng pag-iingat para sa mga bumibisita sa ospital.
Dagdag pa ni Herbosa na walang dapat ikabahala ang publiko sa ulat na pagtaas muli ng average daily COVID cases sa mga nakalipas na linggo dahil itinuturing na itong pangkaraniwang respiratory infection ng mga eksperto.
Malaki aniya talaga ang tsansa na tumaas muli ang mga kaso ngayon ng acute respiratory infections gaya ng COVID dahil sa malamig na panahon at dagsa ng tao sa mga pampublikong lugar dahil sa holiday season.