Nanindigan ang Department of Health (DOH) na nananatili silang transparent hinggil sa kanilang datos patungkol sa COVID-19.
Tugon ito ng ahensya sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na pinagtatakpan ng kagawaran ang katotohanan at nililinlang ang mga tao dahil sa nilabas nilang pagbaba ng positivity rate sa walong porsyento mula 22 percent nitong Abril.
Giit ni Robredo, ang 22% positivity rate ay naitala noong April 3 at hindi ito ang average positivity rate para sa nasabing buwan.
Dagdag pa ng Bise Presidente, mahigit 2,000 tests lamang ang nagawa noong April 3 kaya’t talagang mataas ang magiging percentage.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naitala noong Abril 3 ang 22.19 percent positivity rate, habang 10.9 percent ang cumulative positivity rate noong Abril 30.
Noong Hulyo 23, 12.1 percent naman ang positivity rate, at 8.8 percent cumulative positivity rate.
Nasa 10.9 percent ang naitalang positivity rate ng bansa noong Hulyo 26, kung saan 2,491 ang COVID-19 positive mula sa 22,944 na ginawang tests.
Dagdag ni Vergeire, naglalabas ang DOH ng global parameters bilang basehan kung sapat ang pagkontrol ng COVID-19 sa bansa.
Iginiit ni DOH na wala silang intensyon na lokohin ang publiko dahil ang mga lahat ng mga datos ay kanilang inilalabas.
Sa huling datos ng ahensya, 83,673 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 26,617 ang gumaling, at 1,947 ang namatay.