DOH, nanindigang walang korapsyon sa ahensya; lima sa 13 deficiencies na natukoy ng COA sa DOH, nakumpleto na

Nanindigan si Health Secretary Francisco Duque III na walang korapsyon sa Department of Health (DOH).

Ito ang binigyang diin ni Duque sa gitna na rin ng congressional briefing ng House Committee on Public Accounts patungkol sa 2020 audit report ng Commission on Audit (COA) kung saan P67.32 billion ang umano’y deficiency o kakulangan ng DOH sa COVID-19 response.

Iginiit ni Duque sa mga miyembro ng panel na hindi nawawala ang pondo sa COVID-19 response.


Pagtitiyak ni Duque, ang P67.32 billion ay ginamit at patuloy na ginagamit para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Nasisiguro pa ng health secretary na walang humpay ang ahensya sa pagtugon sa pandemya gayundin sa pangangailangan ng mga COVID-19 patients at mga health care worker.

Samantala, sinabi naman ni Health Usec. Leopoldo Vega na hindi pa nila naisusumite ang lahat ng mga dokumento at patuloy pang pag-comply ang ahensya sa COA kaya may naitalang deficiency.

Katunayan, sa 13 deficiencies na tinukoy ng COA ay lima rito ay nakumpleto na ng DOH, lima ang “partially-complied” at tatlo ang nasa iba’t ibang degree pa ng compliance.

Kumpyansa si Vega na kaya nilang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento sa 60 araw na palugit na ibinigay sa kanila ng COA.

Sinabi pa ni Vega na mahigpit na binabantayan ng DOH ang paggamit sa pondo partikular sa budget sa pagtugon sa pandemya.

Facebook Comments