Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mismong ang proseso nang pagdurog sa dolomite o white sand ang nakakasama sa kalusugan na siyang gagamitin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapaganda ng Manila Bay.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaaring magdulot ng respiratory reactions, eye irritation at discomfort sa gastrointestinal system ang dolomite na gagamitin.
Pero sa kabila nito, maaari naman itong maiwasan kung susunod sa minimum health protocols ang mga tao at idinaan sa masusing pagsusuri ng DENR ang pagproseso sa dolomite.
Kasabay nito, iginiit ng ilang environmental groups na lumabag sa National Cultural Heritage Act at iba pang batas ang pagsasaayos sa Manila Bay.
Ilan sa mga grupong ito ay ang Environmental Legal Assistance Center, Philippine Earth Justice Center, Inc., Archdiocese of Manila – Ministry on Ecology, Integrated Rural Development Foundation, NGOs for Fisheries Reform at iba pa.
Giit ng grupo, idineklarang National Historical Landmark noong 2012 ang Manila Bay kaya protektado ito ng National Cultural Heritage Act of 2009.
Sa ngayon, nagpadala na ng position paper ang mga nasabing grupo sa DENR, Department of Agriculture, chambers of Congress at Ombudsman, National Historical Commission at sa Manila City Local Government para iparating ang kanilang hinaing.