DOH, nilinaw na hindi pamalit sa contact tracing ang StaySafe app

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mahalaga pa rin ang contact tracing sa pagkontrol ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na nababahala si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio Jr. sa paggamit ng StaySafe.ph.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang function lamang ng StaySafe application ay mapabilis ang contact tracing.


Wala aniyang intensyon ang StaySafe app na palitan ang contact tracing kung saan nakadepende sa aktibong paghahanap sa ground katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Ang StaySafe.ph ay inilunsad noong Abril kung saan nagbibigay ito ng health tips, nagpapaalala ng health protocols, nagbibigay ng guidelines sakaling magkaroon ng sintomas ng COVID-19, at tumutulong sa contact tracing sa pamamagitan ng impormasyong nakokolekta mula sa mga gumagamit nito.

Una nang sinabi ng Malacañang na maglalatag ng kondisyon ang COVID-19 task force para matiyak ang epektibong paggamit ng application.

Sa ngayon, ang contact tracing ability ng bansa ay umabot na sa 96% ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Facebook Comments