Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila hinihiling sa Marikina na magkaroon ng panibagong gusali para sa COVID-19 Testing Center ng Lungsod.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, inirerekomenda lang nilang mag-set up ang Lungsod ng laboratoryo sa mas maluwag na opisina para sa bio-safety.
Pero giit ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro, naaayon sa bio-safety hazard ang itinayo nilang testing center dahil tinulungan sila ng University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH).
Aniya, ipinagtataka nila kung bakit ang COVID-19 Testing Center ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay katabi ng ilang administrative offices.
Sabi pa ng alkalde, ang problema kasi ay walang taga-DOH ang nakikipag-ugnayan sa kanila para maging operational na ang kanilang COVID-19 Testing Center.