Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ipinagbabawal pa rin ang pagbebenta ng mga rapid antibody test kit sa mga drug store kahit na ang mga ito ay aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA).
Ito ay kasunod ng naging unang pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa “Laging Handa” public briefing kung saan nabanggit niyang pinapayagan nang ibenta ang mga FDA-approved rapid test kit sa mga drug store.
Ayon kay Vergeire, hindi pa maaaring ibenta ang mga ito sa mga pharmacy dahil kinakailangang isagawa ang testing sa pasilidad na mayroong mga doktor.
Kapag aniya may indibidwal na napatunayang nagbebenta ng hindi rehistradong test kits ay papatawan ang ito ng kaukulang parusa.
Sa ngayon, nasa 204 na ang bilang ng aprubadong COVID-19 test kits sa bansa kabilang ang 71 Polymerase Chain Reaction (PCR)-based test kits, 77 na rapid antibody test kits, 51 Immunoassay test kits, at lima pang iba.