DOH, nilinaw na nananatili sa quarantine facility ang lahat ng biyahero mula India

Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) na walang nawawala at nasa quarantine facility ang lahat ng mga dumating na pasahero mula sa India.

Taliwas ito sa naunang pahayag ng DOH na may 6 na hinahanap na galing sa nasabing bansa.

Sa inilabas na pahayag ng DOH, 149 ang mga pasahero na may travel history sa India na dumating mula April 1 hanggang 30 pero 129 sa kanila ay pawang mga Returning Overseas Filipinos at 20 ang mga dayuhan na agad na-quaratine at isinalalim sa swab tests makalipas ang anim hanggang pitong araw.


Bukod dito, nasa lima lamang sa kanila ang nagpositibo base sa pagsusuri na isinagawa taliwas sa unang nai-report ng DOH na anim ang bilang.

Nasa 137 naman ang nag-negatibo habang inaalam pa ng DOH kung ano ang resulta sa pagsusuri sa 7 iba pang mga pasahero na galing India.

Inihayag pa ng DOH na makikipag-ugnayan rin sila sa mga lokal na pamahalaan at Regional Epidemiology and Surveillance Units para matutukan ang kalagayan ng kalusugan ng lahat ng dumating na pasahero galing India.

Facebook Comments