Nilinaw ng Department of Health (DOH) na pinahihintulutan pa rin ang home quarantine para sa mild at asymptomatic COVID-19 patients basta’t nasusunod ang panuntunan para dito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, walang binagong protocol hinggil dito.
Maaaring gawin ang home quarantine alinsunod sa mga itinakdang guidelines at kung naaabot ang mga kondisyon para dito.
Kabilang ang pagkakaroon ng sariling banyo, walang kasamang vulnerable individual sa bahay at nababantayan sila ng Barangay Health Emergency Response Team.
Iginiit ni Vergeire na ang home quarantine ay hindi pangunahing dahilan ng community transmission ng COVID-19.
Una nang sinabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na ang home quarantine ang isa sa dahilan ng malawakang community transmission ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Dagdag pa ni Galvez, kapag nagtagal ang isang COVID-19 patient sa bahay ay mas mataas ang tiyansang makahawa pa siya sa mga kasamahan nito.