DOH, nilinaw na wala pang Indian variant na nakakapasok sa Pilipinas

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa silang nade-detect na presensya ng “double mutant” variant mula sa India.

Tinawag itong double mutant dahil ang virus strain ay mayroong dalawang mutations.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang naitatala sa bansa na kaso ng B.1.617 variant batay na rin sa review at reevaluation ng data system sa Philippine Genome Center (PGC).


Sa ngayon, nasa limang pasahero mula sa India ang nagpositibo sa COVID-19 ang dumating sa bansa bago ipinatupad ang travel ban.

Ang sample mula sa mga pasyente ay ipinadala na sap PGC para malaman kung dala nila ang Indian variant.

Sa datos ng Bureau of Quarantine, nasa 149 na pasahero na may travel history sa India ang dumating sa Pilipinas bago ang travel ban.

Pagtitiyak ng DOH na ang mga pasahero ay naka-quarantine at isinailalim sa COVID testing sa pang-anim o pang-pito nilang araw sa quarantine.

Bukod sa India, ipinatupad na rin ng Pilipinas ang travel ban sa Nepal, Pakistan, Sri Lanka at Bangladesh mula May 7 hanggang 14.

Facebook Comments