DOH, nilinaw na wala pang kaso ng Brucellosis sa Pilipinas

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso ng Brucellosis sa bansa.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na libu-libong tao na ang tinamaan ng bacterial disease sa China.

Ayon sa DOH, nakikipagtulungan sila sa ASEAN Biodiaspora Virtual Center, Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses, Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang nasabing sakit.


Ang Brucellosis ay isang bacterial disease na dulot ng Brucella species, na dumadapo sa mga baka, baboy, kambing, tupa, maging sa mga aso.

Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng direct contact sa mga hayop na dinapuan nito o pagkain ng kontaminadong animal products tulad ng unpasteurized milk o keso.

Ang mga sintomas nito ay lagnat, panghihina at pagbawas ng timbang.

Nabatid na higit 6,000 tao sa Lanzhou, capital ng Gansu Province sa China ang nagkaroon ng sakit.

Facebook Comments