Iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pang pruweba o ebidensya na nagpapatunay na maaari ring makapanghawa ang mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 pero hindi nakikitaan ng sintomas.
Ito ang sagot ng DOH sa pagdinig ng Senado matapos matanong tungkol sa mga hakbang ng ahensya para matukoy ang mga asymptomatic individual na sinasabing “silent spreaders” ng COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang World Health Organization (WHO) na ang nagsasabi na wala pang katibayan na pwede ring makapanghawa ang mga asymptiomatic patients.
Pero aminado si Duque na mahirap matukoy ang mga asymptomatic carriers.
Paliwanag niya, ang mga local authorities ay inatasang bantayan ang mga taong mayroong influeza-like na sakit at severe acute respiratory infection.
Batay sa report ng WHO, wala pa silang natatanggap na ulat na nagkaroon ng asymptomatic transmission, pero hindi nila inaalis ang posibilidad na mangyari ito.
Ang mga naitatalang asymptomatic cases ay bahagi ng isinasagawang contact tracing efforts sa ilang bansa.