Pinawi ngayon ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko kaugnay sa na-detect na kaso ng COVID-19 Delta variant sa Taguig City.
Sa interview ng RMN Manila kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, nilinaw nito na wala pang local cases sa Taguig dahil ang na-detect ay isang returning overseas Filipino na may permanent residence lang sa nasabing lungsod.
Ayon kay Vergeire, ang mga returning overseas Filipinos ay agad na isinasalang sa quarantine at isolation pagdating sa bansa.
Sa ngayon ay umabot na sa 35 ang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa bansa kung saan tatlo rito ang nasawi habang 11 ang local cases.
Ayon kay Vergeire, binawian na rin ng buhay ang pasyente mula sa Antique na nagpositibo sa Delta variant.
Sa 11 local cases naman, lahat ng mga ito ay recovered na pero muli silang isasailalim sa test upang masiguro na wala nang bakas ng Delta variant sa kanilang katawan.