Ang Philippine General Hospital lamang ang dapat sumagot sa isyu ng pag-admit kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa kabila ng maraming pasyenteng tinatanggihan dahil sa kakulangan ng mga bakanteng kama.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tanging ang pagbibigay ng standards ang ginagawa ng Department of Health upang matiyak ang kalidad ng serbisyo ng mga ospital.
Ayon pa kay Vergeire, nasa kamay na ng mga ospital kung sino ang mga pasyenteng kanilang tatanggapin o hindi.
Samantala, una nang tinawag ni Roque na ‘unchristian’ ang pagtatanong sa kaniya kung bakit tila naging priority siya ng naturang ospital.
Kasunod nito, sinabi ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi ‘unchristian’ ang pagtatanong ng ganito lalo na’t isang opisyal ng gobyerno si Roque at dapat silang maging transparent sa publiko.