Iligan City – Bagamat mayroong 9 na kaso ng cholera ang naitala ng Department of Health (DOH) mula sa mga evacuation area sa Iligan City, hindi anila ito nangangahulugan na mayroon ng cholera outbreak sa mga lugar na pansamantalang tinutuluyan ng mga naapektuhan sa gulo sa Marawi City.
Paglilinaw ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, ang mga pasyenteng nagpositibo sa kaso ng Cholera ay mga batang nasa edad 9 na buwang gulang hanggang 6 na taong gulang, at isang 62 taong gulang na babae, at ang mga ito ay nagmula sa magkakaibang evacuation centers, kaya malinaw na walang outbreak.
Gayunpaman ayon sa kalihim, mananatiling vigilante at nakabantay ang kanilang mga tauhan sa mga sakit na maaaring umusbong at kumalat sa mga evacuation centers.
Pinag-iigting aniya nila ang kanilang ‘disease surveillance,’ kung saan nag-iikot-ikot na ang mga health responders sa mga evacuation area at mga barangay para agad na makapagbigay ng health services o hospital referral sa mga nangangailangan.