DOH, nilinaw nagkaroon lamang ng local at hindi community transmission ng UK COVID-19 variant sa Bontoc

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng local transmission ng bago at mas nakakahawang COVID-19 variant sa Bontoc, Mountain Province.

Sa statement, sinabi ng DOH na natukoy sa pamamagitan ng genomic sequencing ang local transmission ng B.1.1.7 variant ng SARS-CoV-2.

Ang lahat ng natukoy na kaso na may UK variant ay nauugnay sa mga kasong direktang magmumula sa labas ng bansa o mula sa mga specific cases o exposures na maaaring galing sa local transmission.


Sa ngayon, wala pang matibay na batayan na mayroong community transmission.

Sa depinisyon ng World Health Organization (WHO), ang community transmission ay case clusters o malaking bilang ng kaso sa maraming lugar.

Sa paglilinaw ng DOH, ang lalaking dumating sa Bontoc noong Disyembre ay nagpositibo sa COVID-19 pero negatibo sa bagong variant.

Ang kanyang asawa na sumama sa kanya sa Bontoc ay negatibo sa COVID-19.

Nasa 46 contacts na nauugnay sa lalaki na nakipaghalubilo sa mga kaanak at kapitbahay at dumalo sa isang tradisyunal na ritwal sa Bontoc ay nagpositibo sa COVID-19.

Bagamat negatibo ang lalaki sa variant, 12 mula sa 46 na contacts ay mayroong UK variant sa kanilang samples.

Nasa 28 pa ang hinihintay ang resulta mula sa genome sequencing.

Nagsasagawa na ng interview ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at Local Government Unit (LGU) sa iba pang returning Filipinos na dumating sa Bontoc.

Sa ngayon, mayroong 17 UK variant cases sa Pilipinas.

Ang unang kaso ay 29-anyos na Quezon City resident na bumalik sa bansa mula sa United Arab Emirates.

Ang 16 na iba pang UK variant cases ay kinabibilangan ng dalawang returning overseas Filipinos na galing ng Lebanon.

Ang dalawang iba pang kaso ay 23-anyos na lalaki na nakatira sa Calamba, Laguna at 22-anyos na lalaki sa La Trinidad, Benguet.

Ang natitirang 12 kaso ay mula sa Bontoc, Mountain Province.

Una nang nilinaw ng DOH na normal lamang na mag-mutate ang virus.

Ang epektibo pa ring strategy laban sa pagkalat ng virus ay prevention, detection, isolation, treatment at reintegration.

Facebook Comments