Nagbabala si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa mga opisyal ng Department of Health (DOH) kung ipipilit pa rin ang procurement ng Remdesevir na pinanggagamot sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ang babala ng kongresista ay kasunod ng rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na sa kabila ng napakamahal na presyo ng Remdesevir ay wala itong ‘significant relief’ sa mga COVID-19 patients.
Ayon kay Defensor, kung patuloy ang pagbili ng suplay ng gamot ay maaaring maharap ang mga DOH official sa criminal charges o palabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may parusang sampung taong pagkakakulong at disqualification sa public office.
Paliwanag ng mambabatas, ang posibleng paglabag ay kitang-kita na, nakinabang man o hindi sa procurement ng gamot ang isang opisyal.
Maaaring ikonsidera ang mga bagong biniling Remdesevir na kapabayaan sa paggastos ng pondo lalo pa’t sa ibang pangangailangan tulad ng pambili sa COVID-19 vaccines at karagdagang ayuda ay pilit na hinahanapan pa ng pondo ng pamahalaan.
Hinihikayat naman ng kongresista ang Department of Budget and Management (DBM) na i-repurpose ang pondo na para sa Remdesevir at idagdag na lamang ito sa procurement ng COVID-19 vaccines.