DOH: Outdoor activities sa mga paaralan tuwing tanghali, iwasan muna

Pinaiiwas ng Department of Health (DOH) ang mga paraalan na magsagawa ng outdoor activities sa kasagsagan ng init.

Partikular tuwing tanghali mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng haponalo na matindi ang init ng panahon dulot ng El Niño.

Sa pahayag ni DOH Asec. Albert Domingo, maiging gawin ang mga aktibidad sa paaralan ng maaga o kaya kapag hindi na matindi ang sikat ng araw.


Paraan din daw ito upang maiwasan na makaranas ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke na posibleng mauwi sa pagkamatay.

Maigi rin na may maayos na ventilation ang bawat classroom lalo na kung hindi ito airconditioned.

Dapat din daw na mayroong sapat na malinis na tubig na maiinom ang mga estudyante lalo na’t kadalasan at hindi maiwasan na matapat o maglakad sa tindi ng sikat ng araw.

Pinapayuhan pa ang lahat na magdala ng payong o magsuot ng malaking sumbrero, pamaypay at pamunas ng pawis upang maiwasan na magkaroon ng sakit ngayong panahon ng tag-init.

Facebook Comments