DOH, pangungunahan ang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng isang police doctor dahil sa chemical inhalation

Magsasagawa ng independent investigation ang Department of Health (DOH) kasunod ng pagkamatay ng isang police doctor makaraang makalanghap ng toxic chemical.

Si Police Captain, Dr. Casey Gutierrez, 31 taong gulang, namatay nitong May 30, 2020 matapos makalanghap ng kemikal habang nasa COVID-19 quarantine facility.

Ang dalawa pang miyembro ng Philippine National Police (PNP) Medical Reserve Force na sila Police Staff Sergeant Steve Rae Salamanca at Police Corporal Runie Toledo ay nagpapagaling matapos makaranas ng kaparehas na kondisyon gaya kay Gutierrez.


Ang tatlo ay nakatalaga sa Philippine Sports Arena.

Sa ulat, nagsasagawa sila ng routine decontamination procedure noong May 24, 2020 nang aksidenteng na-spray ang isang concentrated decontamination solution na nagdulot ng irritation at hirap sa paghinga.

Idinala si Gutierrez sa PNP General Hospital pero inilipat sa Lung Center of the Philippines.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration, Police Lieutenant General Camilo Cascolan, nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque III para humingi ng tulong sa imbestigasyon.

Una nang sinabi ng PNP Administrative Support to COVID-19 Task Force na ang chemical disinfectant na ginamit sa Philippine International Convention Center (PICC) at iba pang quarantine facility na mina-manage ng PNP ay hypoallergenic at biodegradable.

Facebook Comments