Inihayag ng Department of Health (DOH) na ginagawa na nila ang lahat ng paraan para makakuha ng sapat na bakuna kontra pertussis.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na kukuha na sila ng nasa 3 million doses ng DPT vaccine mula Serum Institute of India.
Aniya, nauna na silang umorder ng nasa 4 million doses ng Pentavalent vaccine mula sa nasabing bansa pero aabutin ng 120 araw bago ito dumating o posibleng sa Hulyo pa ito makuha dahil nais nila na pawang mga bagong bakuna ang makuha.
Paliwanag pa ni Herbosa, hanggang buwan na lamang ng Mayo ang suplay ng bakuna kontra Pertussis kaya hindi maaaring mawalan ng suplay.
Sinabi pa ng kalihim, agad nilang ipoproseso ang certificate of product registration mula sa Food and Drugs Administration para magamit agad ang nasa 3 million doses ng mga DPT vaccines para sa mga bata.
Dagdag pa ng kalihim, importante na mabakunahan kaagad ang mga bata upang maiwasan na tamaan ng pertussis lalo na’t 49 na mga bata ang nasawi.
Target naman nila na mabakunahan ng mga bakuna kontra Pertussis ay mga bata na nasa limang taong gulang pababa at ilan sa mga babagsakan ng suplay ng DOH ang National Children Hospital, Philippine Childrens Hospital at East Avenue Medical Center.