DOH, patuloy na mino-monitor ang mga kaso ng tinamaan ng pertussis

Patuloy na mino-monitor ng Department of Health (DOH) ang tumataas na kaso ng pertussis sa bansa.

Sa pinakahuling datos ng DOH mula January hanggang March 23, 2024, may 862 na kaso ng pertussis sa bansa na 30 beses na mataas kumpara sa katulad na petsa noong nakaraang taon kung saan may naitala na rin 49 na nasawi dahil sa nasabing sakit.

Kabilang namam sa limang rehiyon na nagtala ng mataas na bilang ng kaso ay ang MIMAROPA na may 187, NCR -158, Central Luzon -132, Central Visayas -121 at Western Visayas na may 72 na kaso.


Nasa 79% na tinamaan ng pertussis ay may edad lima pababa kung saan 66% sa kanila ay hindi nabakunahan, o hindi alam ang kanilang vaccination history.

Nasa 4% lamang sa kaso ang adult o nasa edad 20 taong gulang pataas.

Ayon sa DOH, bagaman pinaigting ang immunization program, makikita lamang ang epekto nito sa loob ng susunod na apat hanggang anim na linggo.

Bukod dito, nakipag-ugnayan na ang DOH sa mga local government units (LGUs) para mapigilan ang pagkalat ng sakit habang muli nilang iginigiit na libre at ligtas ang mga bakunang ginagamit kontra pertussis.

Facebook Comments