DOH, pinabubuo ng “vaccine manual” para sa mga LGU

Hiniling ni Albay Rep. Joey Salceda sa Department of Health (DOH) na lumikha ng pinasimpleng “vaccine manual” para sa mga Local Government Unit (LGU).

Ang suhestyon ng kongresista ay para hindi na maulit ang kalituhan at kaguluhan kamakailan sa mga vaccination site.

Ayon kay Salceda, mahalagang may maibigay na “vaccine manual” sa mga LGU na magiging gabay ng mga tao sa pagbabakuna.


Nakasaad dito ang mga pwede at hindi pwedeng gawin sa bakunahan, gayundin ang vaccination process at tips kung paano mapabibilis ang pagbabakuna.

Inihalimbawa ng kongresista ang registration sa pagbabakuna na hindi na dapat inuulit pa sa mismong site kung mayroon na sanang pre-registration.

Inirekomenda rin ni Salceda sa mga LGU na magkaroon ng simpleng guidelines para maiwasan ang panic at pagsugod ng mga residente sa vaccination sites.

Ilan sa mga alituntunin na pwedeng ipatupad ay “no registration, no vaccination,” “no walk-ins” at iba pa.

Babala ng kongresista, kung hindi maisasaayos ang maayos na komunikasyon at polisiya sa pagbabakuna ay maaari itong makaapekto sa pagkamit agad ng herd immunity at magpabagal sa vaccination drive ng pamahalaan.

Facebook Comments