
Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) na may pinatutupad ngayon na lockdown dahil sa Monkeypox virus na kumakalat sa bansa.
Ayon sa DOH, walang pinaiiral na lockdown sa anomang bahagi ng bansa.
Nilinaw ng DOH na walang pangangailangan para magpatupad ng lockdown dahil hindi naman airborne disease ang Mpox.
Tiniyak din ng DOH na patuloy silang nakikipagtulungan sa Local Government Units (LGUs) para mabigyan ng tamang serbisyong medikal ang mga kumpirmado at hinihinalang kaso ng Mpox.
Sinabi pa ng DOH na kung tutuusin ay mas marami ang kaso ng Mpox noong 2024 kumpara ngayong taon.
Nagkataon lamang anilang nalalagay sa headline ang update sa Mpox dahil aktibo ngayon ang LGUs sa paglalabas ng bilang ng kaso.
Nilinaw rin ng DOH na wala pa ring Mpox Clade I-b na nakikita sa Pilipinas at pawang Clade Il ang mga kaso sa bansa kung saan mas mababa ang mortality o ang mga namamatay sa ganitong uri ng variant.
Pinapayuhan din ng DOH ang publiko na maging mapanuri laban sa mga pekeng Facebook page na nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news tungkol sa Mpox.









