Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga independent experts na mag-ingat sa pagbibigay ng mga pahayag patungkol sa COVID-19 situation sa bansa.
Matatandaang kinumpirma ng OCTA Research Group na nakakaranas na ng surge ng COVID-19 cases ang Metro Manila sa harap ng banta ng Delta variant.
Sa statement, sinabi ng DOH na pinahahalagahan nila ang trabaho ng mga independent experts pero dapat ding mag-ingat sa paglalabas ng pahayag pagdating sa kalagayan ng pandemya, dahil posibleng magdulot lamang ito ng panic at takot.
Bagamat kinikilala nila ang metrics at methods of analysis na ginagamit ng independent grousp, iginiit ng DOH na iisa lamang ang kanilang layunin na mapababa ang kaso at mapabuti ang healthcare system sa bansa.
Hindi tinukoy ng DOH ang sinasabing independent group.
Idinagdag ng DOH na nakikitaan nila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila pero wala pa silang nakikitang surge.
Mahigpit na binabantayan ng DOH ang daily trends at agad nilang tinutukoy ang mga lugar na may pagtaas ng transmission rate.