DOH, pinag-iingat ang mga residente sa Metro Manila matapos maitala ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis

Umaabot na sa 252 ang naitalang kaso ng tinamaan ng Leptospirosis sa National Capital Region (NCR) mula January hanggang June 22 ngayong taon.

Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ito ng 29.9% kumpara sa 194 na kaso sa parehong petsa noong nakaraang taon.

Sa datos ng DOH Metro Manila Center for Health Development, 30 ang naitalang nasawi dahil sa hindi agad naagapan matapos magkasakit ng leptospirosis kung saan pinakamaraming kaso na naitala ay sa lungsod ng Maynila na umabot sa 63.


Kaugnay nito, muling nagpapaalala ang mga eksperto mula sa iba’t ibang health unit sa Metro Manila ang patuloy na pangangalaga sa kalusugan upang hindi tamaan ng naturang sakit.

Partikular ang pag-iwas sa paglusong sa baha at kung hindi maiiwasan, pinapayuhan ang publiko na magsuot ng bota o kaagad na maghugas ng mga paa lalo na ang bahaging nalubog sa baha.

Bukod dito, agad din kumonsulta sa mga doktor sakaling makaranas ng sintomas kabilang na ang lagnat upang matukoy kung tinamaan ng sakit at mabigyan ng kaukulang gamot.

Babala naman ng mga eksperto na iwasan ang pag-inom ng gamot nang hindi kumukonsulta sa doktor sa health center o sa mga ospital.

Facebook Comments