Sinermunan ngayon ni Marikina Representative Stella Quimbo ang Department of Health (DOH) para mapilitang magawan ng paraan ang mass testing ng COVID-19 sa bansa.
Sa virtual hearing ng House Committee on Health, pinuna ni Quimbo ang cost benefit analysis ng DOH sa pagsasagawa ng mass testing.
Aniya, hindi lang presyo sa pagbili ng test kits at budget ang pinag-uusapan sa cost benefit kundi ang mga aktibidad gaya ng mass testing.
Hindi rin aniya maituturing na mahal kung pag-uusapan ang magiging benepisyo sa mass testing kaya hindi dapat idahilan ang kawalan ng pondo para hindi makapagsagawa nito.
Hindi hamak na mas magastos ang hindi nasusuri na mga asymptomatic dahil makapaghahawa pa ang mga ito na lalong magpapataas sa kaso ng COVID-19 sa bansa.
Tinukoy ni Quimbo na umaabot ng ₱18-billion kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa lockdown na tumatagal dahil sa hindi bumababang bilang ng impeksyon.
Paglilinaw naman dito ni DOH Undersecretary Rosario Vergeire na hindi budget ang problema kundi ang kakulangan sa kapasidad ng sistema kaya hindi makapagsagawa ng mass testing.