DOH, pinaglalabas ng malinaw na guidelines para sa pagsasailalim ng mga empleyado ng MSMEs sa COVID-19 testing

Pinag-iisyu ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Department of Health (DOH) ng malinaw na guidelines para sa pagsasailalim ng mga empleyado ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa Reverse Transcription- Polymerase Chain Reaction Test (RT-PCR) test.

Giit ni Herrera, sagutin ng PhilHealth ang gastusin sa RT-PCR testing dahil wala namang pondo ang mga MSMEs na lugmok sa epekto ng COVID-19 pandemic at hindi rin kakayanin ng mga empleyado ang mahal na gastusin sa testing.

Bahagi rin ng panawagan ni Herrera ang mahigpit na i-regulate ng DOH at Department of Trade and Industry (DTI) ang halaga at pagproseso ng COVID-19 tests gayundin ang mga traditional medicines na iniuugnay na gamot sa COVID-19.


Tinukoy ng kongresista na inaabot ng ₱7,000 hanggang ₱10,000 ang bawat test gayong matagal ang paglabas ng resulta.

Panawagan din nito sa DOH at Food and Drug Administration (FDA) na isailalim sa review ang lahat ng COVID-19 test kits na kanilang inaprubahan batay sa effectiveness o ineffectiveness nito.

Mungkahi pa nito na bigyan ng conditional approval ang mga test kit na hindi naman ganoon kaepektibo ang performance.

Facebook Comments