DOH, pinamamadali na sa pagpapatupad ng travel ban sa mga biyaherong manggagaling sa Europe

Pinamamadali na ng mga senador ang Department of Health (DOH) na maglabas ng rekomendasyon na magpapatupad ng travel ban sa mga biyahero mula sa Europe dahil sa bagong strain ng COVID-19.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, kailangan nang magdesisyon ng DOH sa lalong madaling panahon at huwag nang magpatumpik-tumpik pa dahil nakasalalay dito ang kapakanan ng mga Pilipino.

Kung matatandaan aniya noong buwan ng Pebrero ay hindi agad nagdesisyon ang DOH na ipagbawal ang pagpasok ng mga nanggaling sa China kaya kumalat ang virus sa Pilpinas.


Giit naman nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senador Joel Villanueva, kailangang ipatupad ang travel ban para sa proteksyon at seguridad ng mamamayan ng bansa.

Sabi naman ni Senator Bong Revilla Jr., hindi magiging katanggap-tanggap kung matatagalan sa pagdedesisyon dito ang DOH at National Task Force Against COVID-19.

Batay sa mga public health expert, ang bagong strain ng virus na nakita sa United Kingdom ay itinuturing nang “out of control” kung saan nasa 70 percent ang transmissibility rate nito.

Facebook Comments