DOH, pinaiiwas muna ang publiko sa paglapit sa mga manukan

Manila, Philippines – Pinapayuhan ng Department of Health ang publiko na umiwas muna sa pagpunta malapit sa mga manukan at sa mga bukid na karaniwang pinupuntahan ng mga ibon, ito ay bunsod ng anunsyo ng Department of Agriculture na nakapagtala na ng Avian Flu outbreak sa San Luis Pampanga.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, ang Avian Flu ay isang uri ng bird flu o virus sa mga ibon na ikinamamatay ng mga ito, at maaaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng pagkain sa mga manok na infected ng virus.

Ayon sa kalihim, bagamat mababa ang tyansa ng pagkakapasa ng flu mula sa mga hayop papunta sa mga tao, hindi pa rin daw ito dapat ipagwalang bahala dahil ang cross infection ay nakamamatay.


Makabubuti rin aniya kung sumailalim sa flu precautions, tulad ng magkaroon ng sapat na pahinga at tulog, takpan ang bibig at ilong tuwing babahing at uubo at ugaliin ang paghuhugas ng kamay upang mapanatili ang malakas na resistensya.

Sa kasalukuyan, nakikipagugnayan na aniya sila sa Department of Agriculture at patuloy na minomonitor ang naitalang kaso.
Matatandaang, una nang kinumpirma ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na nakapagtala na sila ng Avian Flu outbreak sa Pampanga, kung saan nasa higit 37 libong mga manok na ang namatay.

Facebook Comments