DOH, pinakikilos na agad para sa mga Pilipinong nabakunahan ng AstraZeneca

Nanawagan si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa Department of Health (DOH) na kumilos para sa mahigit 500,000 Pilipino na nabakunahan ng AstraZeneca COVID-19 vaccines.

Bunsod ito ng inaasahang delay sa pagdating ng second batch ng AstraZeneca vaccine at mababawasan pa ang naunang doses na ipinangako sa bansa ng World Health Organization (WHO).

Giit ni Defensor, marami sa mga healthcare worker lalo na ang mga senior citizens at mga may comorbidities ang nagpaturok ng AstraZeneca kumpara sa CoronaVac ng China.


Ang mga nabakunahan ng unang dose ng AstraZeneca ay mayroong 28 araw na interval bago ulit mabakunahan ng ikalawang dose ng vaccine.

Pero dahil mapupurnada ang pagdating sa bansa ng AstraZeneca at naririyan pa ang banta ng India na itigil ang exportation ng bakuna ay nababahala ang mambabatas sa posibleng epekto nito sa mga unang naturukan ng AstraZeneca.

Dahil dito ay pinakikilos ni Defensor ang DOH na ipaalam sa mga nabakunahan ng AstraZeneca ang mangyayari sakali mang hindi nila matanggap agad sa itinakdang araw ang ikalawang dose ng AstraZeneca.

Nais ding mabatid ng kongresista kung may maximum interval ba sa pagitan ng doses ng bakuna sakaling hindi ito umabot sa 28-day dosing interval.

Facebook Comments