Kinalampag ng dalawang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Department of Health (DOH) na tulungan ang mga Local Government Units (LGUs) sa buong bansa sa pag-set up ng kanilang screening centers para sa COVID-19.
Ayon kina House Majority Leader Martin Romualdez at Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, makakatulong ang pagkakaroon ng sariling screening centers ng mga LGUs sa kampanya ni Pangulong Duterte para labanan ang coronavirus dreaded disease.
Panawagan ng mga Romualdez, madaliin na ng DOH ang pagtulong sa mga LGUs para assessment ng mga itatayong testing centers upang tugunan at mapigil na ang pandemic.
Kinakailangan anila ng guidance at expertise mula sa mga health officials upang masigurong sumusunod sa health standards ang mga itatatag na testing o screening centers.
Giit pa ng mga mambabatas, higit na kailangan ngayon ng bansa ang maraming testing centers para tugunan ang mabilis na pagkalat ng banta ng COVID-19 sa mga Pilipino.
Umaasa din ang mga ito sa mabilis na pagapruba ng DOH sa itinutulak na testing center sa Eastern Visayas na Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) sa Tacloban City.