Manila, Philippines – Pinapalawak pa ng Department of Health ang coverage ng programa para sa libreng bakuna kontra Human Papilloma Virus, na karaniwang nagiging sanhi ng cervical cancer.
Matapos ang ginawang pagpapasinaya nito sa Addition Hills Integrated School sa Mandaluyong kung saan nasa 180 mga mag-aaral ang unang nabigyan ng libreng bakuna, nakatakda namang sumalang ang 22 pang public school sa nasabing lungsod.
Partikular na target ng bakuna ang mga batang babae na may edad 9 hanggang 12 taong gulang mula sa 47 lalawigan sa bansa, na papayagan ng kanilang mga magulang.
Inaunsyo ng DOH na inaasahang aabot sa 700 libong mag-aaral sa public schools ang makikinabang sa programa na may layuning mailayo ang mga kababaihan sa cervical cancer.
Ayon sa Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, magandang opurtunidad ang pagsasagawa ng mga ganitong programa sa mga paaralan dahil bukod sa malaki ang populasyong nako-cover ng ahensya, mas marami ang napaaabutan nila ng mensahe kaugnay sa mga kampaniyang isinasabay ng DOH tulad ng Smoking Ban at Anti-Illegal Drugs.
Aniya, hindi dapat ikahinayang ang 2 libong piso halaga kada-bakuna dahil aabot sa kalahating milyong piso ang gastusin para sa mga kababaihan na dinapuan ng naturang uri ng karamadaman. At base sa datos ng DOH, nasa 6 na libong bagong kaso ng cervical cancer ang naitatala ng ahensya kada-taon.