Iginiit ng Office of the Ombudsman na naging mailap ang Department of Health (DOH) nang hilingin nila ang datos at mga dokumento hinggil sa pagbili ng nasa 100,000 COVID-19 test kits.
Nabatid na ipinag-utos na ni Ombudsman Samuel Martires ang motu propio investigation laban sa DOH dahil sa pagtugon nito sa COVID-19.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, inatasan na niya ang kanyang mga tauhan na maghain ng kaukulang reklamo laban kay Health Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal na mapapatunayang may pananagutan.
Sakop ng imbestigasyon ang lahat ng health officials na dawit sa nasabing gusot.
Bukod sa pagbili ng libu-libong test kit, pinaiimbestigahan ng Ombudsman ang kagawaran dahil sa pagkaka-antala ng pagbili ng Personal Protective Equipments (PPEs) at iba pang medical gears na kailangan ng mga healthcare workers.
Aalamin din ang pagkukulang ng DOH na nagresulta sa pagkamatay ng ilang medical workers, at pagtaas ng bilang ng mga health workers na tinamaan ng sakit.
Sisiyasatin din ang kawalan ng aksyon sa pagpoproseso ng benepisyo at financial assistance ng mga nasawi at mga nagkasakit na medical frontliners.
Kabilang din ang delayed reporting ng COVID-19 cases.
Puna rin ni Martires, nakakalito ang pag-classify ng DOH sa pagitan ng “fresh” at “late” COVID-19 cases.
Una nang sinabi ng DOH na bukas sila sa isasagawang imbestigasyon ng Ombudsman, pero iginiit nila na ang pagiging transparent sa pag-uulat ng mga datos hinggil sa COVID-19 at sa procurement ng medical supplies at equipment.