Walang dapat ipangamba ang publiko sa efficacy rate ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca na nakatakdang dumating mamayang gabi sa bansa.
Ito ay siniguro ng Department of Health kasunod ng mga report na hindi epektibo ang AstraZeneca laban sa South African variant kung saan positibo nang mayroon ang Pilipinas.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan-diin ni Health Sec. Francisco Duque III na walang dapat ipangamba rito ang publiko dahil sobrang nipis lang ng kaso ng South African ng bansa kung saan nasa 0.02 percent lang mula sa total sample ang nagpositibo sa nasabing bagong strain.
Upang makatiyak na may batayan ang mga report na mababa ang efficacy rate ng astrazeneca, sinabi ni Duque na nakikipag-ugnayan na siya sa World Health Organization para sa official report.
Para kay Duque, ang unti-unting pagbubukas ng iba pang industriya ang dahilan ng biglaang pagtaas ngayong kaso ng COVID-19 sa bansa at hindi ang South African at UK COVID-19 variant.
Samantala sa press briefing sa Malacañang, binigyan-diin ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na bukod sa bakuna, ang pinakamabisang paraan pa rin upang masugpo ang virus ay ang patuloy na pagsunod sa mga minimum health protocol.