Pinawi ng Department of Health o DOH ang pangamba ng publiko sa posibleng pagpasok sa Pilipinas ng Crimean-Congo Hemorrhagic Fever (CCHF).
Ang CCHF ay isang virus na nagdudulot ng matinding lagnat na may sintomas ng pagdurugo ng ilong o nose-bleed.
Ayon sa DOH, maliit ang tsansa sa ngayon na makapasok sa bansa ang virus na endemic sa mga bansang Africa, Balkan States, Middle East at ilang bansa sa hilagang Asya.
Naipapasa ang virus sa pamamagitan ng kagat ng insekto o contact sa infected na dugo ng hayop, laman o body fluids at kadalasan nakukuha ang sakit sa mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, veterinarian at sa mga katayan ng karne.
Bukod sa nosebleed, ilan pa sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan at lalamunan, pagkahilo, pananakit ng leeg, likod at ulo, sore-eyes, pagsusuka, pagduduwal, pagsakit ng tiyan, pagtatae at sore-throat.
Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng World Health Organization ay nakapagtala ang Iraq ng 97 kumpirmadong kaso at 27 na nasawi dahil sa naturang virus.