Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente sa paligid ng Bulkang Mayon na mag-ingat at maghanda ng sariling Go Bag.
Ito ay makaraang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon na nangangahulugan ng mas malaking posibilidad na sumabog sa mga susunod na araw o linggo.
Ayon sa DOH, makabubuti ang paghahanda ng mga tao sa panahon ng anumang sakuna, at sa posibleng paglikas.
At isa sa mga maaaring gawin ay magkaroon ng Go Bag na makatutulong sa sarili at sa pamilya.
Kabilang sa pwedeng laman ng Go Bag ay mga pagkain na hindi madaling masira o mapanis, inuming tubig, kutsara, tinidor at plato.
Importante rin na mayroong first aid kit kung saan kasama ang mga band aid, alcohol, ointment para sa mga sugat, at mga kailangang gamot.
Binanggit din ng DOH ang survival kit na kinabibilangan ng flashlight, pito o whistle at ibang makakagawa ng tunog, lubid at katulad, gayundin ang PPEs gaya ng facemask, safety goggles, kapote at iba pa, maging maliit na radyo, baterya, powerbank at charger.
Mabuti ring maglagay sa Go Bag ng toiletries tulad ng toothpaste at toothbrush, sabon at iba pang pang-ligo, sanitary napkin, insect repellant at iba pa.
At magdala rin ng sapat na mga damit, jacket, sapatos at tsinelas pati kumot o balabal.