Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat lalo na sa posibleng health risks kapag na-expose sa sulfur dioxide at ashfall sa harap ng aktibidad ng Bulkang Taal.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring mairita ang mata at balat ng sulfur dioxide at magdudulot ito ng negatibong epekto sa respiratory system.
Pinayuhan ang mga residenteng malapit sa bulkan na iwasang lumabas sa kanilang mga bahay kung hindi kinakailangan.
Mahalaga ring isara ang mga pinto at bintana ng bahay para hindi pumasok ang hanging dala ang sulfur dioxide emission.
Maaari din aniyang magsuot ng goggles at N95 mask at magsuot ng mahahabang damit para maprotektahan ang balat.
Dapat iwasan din ng publiko na ma-expose sa volcanic ash dahil magdudulot ito ng iba’t ibang sakit tulad ng bronchitis, emphysema o asthma.
Importante ring mayroog “go bags” kapag pupunta sa evacuation sites, nilalaman nito ang ilang mahahalagang bagay tulad ng damit, hygiene kits, inuming tubig, purification tables, canned goods, gamot, first-aid kit, emergency batteries o powerbanki, facemasks at face shield.