Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang Department of Health (DOH) na huwag akuin ang lahat ng responsibilidad sa gitna ng nararanasang krisis ng bansa bunsod ng COVID-19.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na naiintindihan niya na tambak ang trabaho ngayon sa DOH bilang lead agency ngayong panahon ng pandemya.
Pero tingin ng Bise Presidente, kulang sa maayos na sistema ang ahensya.
Aniya, dapat na humingi ng tulong ang DOH sa ibang ahensya o sa mga pribadong sektor para gampanan ang ibang trabaho.
Muling inihalimbawa rito ni Robredo ang paghingi ng tulong sa mga pribadong sektor sa pag-aaccredit ng mga laboratoryo para mapabilis ang pagproseso at paglalabas ng COVID-19 test results.
“Halimbawa dito sa data, ang daming inconsistencies sa data. Naiintindihan natin na hindi talaga siya madaling gawin pero patulong na tayo. Kasi I am sure na marami naman ‘yung willing tumulong. Sana huwag nila akuin lahat ng reponsibilities kasi talagang sila ang lead agency ngayon. Ako naman, very sympathetic ako sa DOH pero tingin ko nagkukulang din sila, nagkukulang sa sistema. I-professionalize na lahat kasi talagang ‘yung buong taumbayan ‘yung magsa-suffer kung hindi systematic, hindi strategic, hindi organize ‘yung pagtatrabaho,” ani Robredo.
Matatandaang inamin ni DOH Secretary Francisco Duque III na masama ang loob niya sa kanyang mga tauhan dahil sa kawalan ng ‘sense of urgency’ sa pagbibigay ng kompensasyon sa mga health workers na nasawi o malubhang tinamaan ng COVID-19.
Kasunod ito ng pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum sa DOH para maipatupad ang naturang probisyon sa ilalim ng Bayanihan Law.