
Planong ipakiusap ni Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa kay Pangulong Bongbong Marcos na unahin sana ang pag-apruba sa International Treaty hinggil sa Pandemic Agreement.
Ayon kay Herbosa, malaking tulong sa 3rd world countries partikular sa Pilipinas ang nasabing international treaty lalo na pagdating sa pagkakaroon ng access sa pagkuha ng mga bakuna.
Paliwanag pa ng Kalihim, isa sa layunin ng pandemic agreement na magbigay ng alokasyon ng bakuna at mga kagamitan sa mga mahihirap na bansa sa oras na magkaroon ng pandemya sa mundo.
Nais ni Herbosa, mapabilang ang Pilipinas sa nasabing International Treaty para maiwasan ang nangyari noong COVID pandemic na nauna ang mga mayayamang bansa habang ang Pilipinas ay naghihintay lamang kung magkakaroon ng available na bakuna na maaring bilhin.
Sa kabila nito ay binigyang diin ng opisyal na kinakailangang ratipikahan ng Senado ang nasabing treaty bago tuluyang mapabilang ang ating bansa rito.









