Pumalag ang Department of Health (DOH) sa pahayag ng World Bank na mabagal ang vaccination rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa kaya tumaas ang mga kaso.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi niya alam kung ano ang naging basehan ng World Bank sa kanilang pahayag.
Aniya, mismong ang mga bansang may mataas na vaccine coverage ay nakapagtala rin ng pagtaas ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Maliban dito, sinabi ni Duque na bumagal din ang vaccination rollout bunsod ng pananalsa ng Bagyong Odette sa maraming rehiyon sa bansa.
Sa ngayon, nasa 59.7 million na ang naibigay na first dose ng bakuna sa bansa na katumbas ng 76 percent ng target population na 78 million.
Habang ang nakakumpletong bakuna ay nasa 57.2 million na o 73 percent ng target population na 78 million.