Inihayag mismo ng Department of Health Region 1 ang pagtaas muli ng kaso ng Dengue ngayon taon kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Center for Health Development I Focal Person, Dr. Rheuel Bobis, na kapansin-pansin umano ang paglobo ng mga tinatamaan ng sakit na dengue ngayon taon.
Base sa pinakahuling datos ng pamunuan nito lamang ika-18 ng Agosto, mayroong naitalang 6, 061 na kaso ang rehiyon mas mataas sa bilang noong nakaraang taon na 2,876 lamang.
Samantala, partikular na sa Lalawigan ng Pangasinan, matatandaang nasa 70% ang itinaas ng kaso ng sakit kung saan ayon kay Provincial Health Office Chief Dra. Anna De Guzman, sa pinakahuling datos ay pumalo sa 3, 586 ang kaso ng dengue kumpara noong nakaraang taon ay umabot lamang sa 2, 223 na kaso.
Nakitaan naman na kaunti lamang ang nasawi ngayon taon na may dalawang namatay at labing tatlo naman noong taong 2020.
Bumaba naman ang kasong naitatala ng Lungsod ng Dagupan ngayon taon na may 74 kaso kumpara sa 116 na kaso noong taong 2020.
Dagdag pa rito, edad 5-19 ang kadalasang tinatamaan at malaking porsyento naman dito edad 10-14.
Mahigpit na paalala naman ng kagawaran na sundin sa lahat ng oras ang mga dapat gawin upang maiwasan ang pagdami ng mga pinamumugaran ng mga lamok at upang hindi na makapaminsala ang mga ito.